Home Release Statement on the recent bombing incedents in Iligan City
assert, uphold and defend all human rights for all!
Statement on the recent bombing incedents in Iligan City

Ang Lanao Alliance of Human Rights Advocates (LAHRA), Inc. ay nakikiramay sa mga pamilya ng lahat ng naging biktima ng magkasunod na pagsabog sa Uni City Department Store at Jerry’s Shoppers Mall sa Iligan City noong nakaraang December 18, 2008. Ang karumaldumal na pangyayari ay buong lakas na kinokondena ng LAHRA. Ito ay hayagang paglapastangan sa karapatang pantao, ang gawain ng mga hindi sibilisadong nilalang.

Ang pangyayaring ito ay mas lalo pang nagpalala sa di pagkakaunawaan sa pagitan ng mga Moro at Kristyano na nabuhay dahil sa usapin ng MOA-AD at ng naganap na pag-atake ng mga miyembro ng MILF sa mga bayan ng Kauswagan at Kolambugan noong nagdaang Agosto 18, 2008 na naging mitsa ng malawakang kaguluhan sa Mindanao. Subalit kailangan nating maintindihan na ang pangyayaring ito ay lalo lamang nagpapalakas sa loob ng mga masasamang elementong walang ibang nais na gawin kung hindi guluhin ang mapayapang syudad ng Iligan at maghasik ng takot at kalituhan sa mga sinasakupan nito.

Ang pangyayaring ito ay magkaugnay sa kasalukuyang politikal na kalagayan ng ating bansa. Ang kaguluhan sa Mindanao ay palagian ng nangyayari sa tuwing mayroong mga malalaking isyu sa bansa katulad ng malawakang kurapsyon, dayaan sa halalan at iba pa. Ang Mindanao din ang palaging nagiging bitag upang isakatuparan ang mga malalaking plano ng gobyerno. Huwag nating kalimutan na kasalukuyang pinupursige ng mga kaalyado ng Pangulong Arroyo na matuloy ang Charter Change. Maaari nilang gawin ang lahat ng pwede nilang gawin kasama na ang pagdeklara uli ng National State of Emergency na siyang bagong mukha ng Martial Law mapanatili lamang ang kasalukuyang administrasyon sa kanyang pwesto.

Dahil dito, kami sa LAHRA ay umaapela sa lahat na maging alerto sa lahat ng sandali at huwag nating hayaan na ang Mindanao na naman ang gagawin nilang isyu upang maisakatuparan ang kagustuhang ito.

Kami ay umaapela din sa mga kasamahan nating mga mamahayag na sana huwag ng gatungan ang mga nagpupuyos na damdamin ng ating mga kababayan. Sana ay ating isagawa ang patas at responsableng pamamahayag. Huwag nating kalimutan na ang lahat ay may pantay na karapatan at mananatiling inosente hanggat mapatunayan sa hukuman na siya ay nagkasala.

Gayundin sa ating mga lokal na mga opisyal at mga propesyunal. Iwasan sana nating magbitaw nga mga salita na lalo lamang magpapalala sa nagaapoy na damdamin ng ating mga kababayan. Huwag sana nating kalimutan na tayo ang nagsisilbing modelo sa ating syudad. Anuman ang lumabas sa ating mga bibig ay tiyak na paniniwalaan ng ating mga kabababayan. Sana ating i-sagawa ang pantay na pagtingin at pag-analisa sa lahat ng nagyayari sa ating paligid.

Ang panahon ng pasko ay panahon ng pagbibigayan, pagpapatawad at pagmamahalan ng mga Moro, Lumad at mga Kristiyano. Huwag nating hayaang sirain ito ng mga masasamang elemento bagkus ating panatilihin ang pagpapatawad, pag-unawa at pagpapakumbaba sa ating mga puso. Ang kapayapaan ay makakamit lamang kapag ang hustisya ay naisakatuparan at naibigay sa lahat ng mga biktima ng karahasan at pagyurak sa karapatang pantao. Higit sa lahat, lahat tayo ay may pantay na karapatan. Huwag nating hayaan na ito ay yurakan ng kahit na sino man.

Lanao Alliance of Human Rights Advocates (LAHRA), Inc.
Iligan City
December 20, 2008

 

Statistics

Members : 1
Content : 53
Content View Hits : 184925

Currently Online

We have 4 guests online
© 2006 Philippine Alliance of Human Rights Advocates